Dalawang bagong koleksiyon ng tula at maikling kuwento sa Hiligaynon ang handog ni Peter Solis Nery para sa mambabasa ng panitikang Hiligaynon ngayong taon. Koleksiyong tila pagmamapa ng buhay manunulat ni Nery sa larangan ng malikhaing pagsulat sa wikang nakagisnan, ang Kakunyag: Isa ka Gatus nga Sonetos Eroticos sa Hiligaynon na nagpakilala kay Nery bilang liberationist at ang Stories in a Mellifluous Language na binubuo ng 13 maikling kuwento, anim rito ay kinilala at pinarangalan ng Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature. Ang dalawang libro ay inilimbag sa ilalim ng The Peter Solis Nery Foundation for Hiligaynon Literature and the Arts, Inc. (2013) na pag-aari mismo at pinatatakbo ni Nery sa siyudad ng Iloilo, partikular sa bayan ng Dumangas.
Sa totoo lang, isa si Nery sa iilang mga manunulat sa wikang Hiligaynon na talaga namang nagpakita ng lakas ng loob pagdating sa usapin ng pagpapatatag ng panitikang Hiligaynon, mula sa mga pinakaposibilidad ng tema mapa-erotika man ito o sexualidad hanggang sa mga usapin ng relihiyon at pag-aakda ng sarili mula sa bukid, siyudad, at hanggang sa pinakamasalimuot na proseso ng paglilimbag ng sariling mga libro ay hindi siya natakot. ‘Ika nga niya noong Setyembre 7, 2013 nang mag-book launching siya sa Sarabia Manor Hotel:
“Ang kailangan ng ating panitikan ngayon ay iyong mga manunulat na handa at hindi natatakot pag-usapan ang kanilang katawan at ang pinakapersonal na danas nila mismo ng kataksilan at kaginhawahan sa mundo, dapat ay naisusulat nila iyon dahil sa pamamagitan ng partikular na karanasang iyon ay nakikilala natin hindi lamang ang ating mga sarili kung hindi pati ang kalakasahan at mga posibilidad nitong ating panitikan sa hinaharap.”
Noon pa man ay nakabibilib na si Nery bilang manunulat sa wikang Hiligaynon. Hindi man naisasama sa maraming antolohiya ng tula at maikling kuwento ang mga katha ni Nery nitong huling dekada, hindi pa rin nababawasan ang kahusayan at kagalingan niya bilang manunulat sa Hiligaynon. Nakalulungkot din pagnilayan sa mga sandaling ito ang pagbabrand ng “pinakamahusay” na mga tula at kuwento sa panitikan ng Filipinas sa maraming antolohiyang nagsisilabasan ngayon na wala man lamang representasyon ang tinig ng mga manunulat mula sa Kanlurang Visayas, halimbawa ang mga maikling kuwento ni Nery na patuloy na nagkakamit ng pagkilala sa maraming inirerespetong samahan ng mga manunulat sa Filipinas, o kahit ang mismong kadakilaan ng pagiging malikhain ng mga obra na lamang nito, ang kapit sa wika, ang kahusayang mag-isip ng may kasiningan na siyang inaasahan sa isang akdang pampanitikan.
‘Ika nga, kung sino ang mas higit na matiyaga, siya ang pinagpapala at napatunayan na ito ni Nery sa 18 libro na inilimbag mula noong magsimula siya. Ang maagang pagtatangka ni Nery na pasukin ang mga posibilidad na inihahain ng pagsusulat ay naging daan upang makamit ang pagiging Hall of Famer ng prestihoyosong Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature na iginawad nitong nakaraang taon sa kaniya (2012).
Kakunyag: Isa ka Gatus nga Sonetos Eroticos sa Hiligaynon (Thrills: One Hundred Erotic Sonnets)
Taong 2005 pa sinumulang sulatin ni Nery ang koleksiyon ng mga erotikong sonetos na mababasa sa librong ito, sandaang sonetos na sumubok paglaruan o seryosohin ang wikang Hiligaynon sa pagsulat ng maaaring matawag na panitikang Hiligaynon sa hinaharap. Walang duda, isa nga itong malaking ambag para sa panitikang Hiligaynon regardless sa kung sumobra man para sa iilang kritiko ang kalayaan sa pagpili at paggamit ng mga salitang nakababastos ni Nery mula sa mga soneto nito.
Sa epilogue ng koleksiyon, ipinaliwanag ni Nery ang proseso kung paano niya sinimulan at natapos ang librong ito, ‘ika niya:
“Starting July 2005, I endeavored to write 100 erotic sonnets in my mother tongue, the mellifluous language called Hiligaynon. My self-imposed challenge was to write a sonnet a day for 100 days. I wrote in heat, and with passion, after having retired [although it later turned out to be just another temporary retirement] from the newspaper, and after having starved myself from writing for some time. [Since my first job as editor and columnist in an Ilonggo newspaper in September 2000, I had been writing almost everyday until July 2005.] Also, the change from journalism to creative writing gave me a new energy. It was revitalizing and inebriating in a hallucinogenic way. I was drunk with ideas, and I just wrote them down in wantonness. Being used to newspaper deadlines and writing pressure, I accomplished what I set out to do in a little over three months. I actually produced a sonnet sequence of 100 erotic poems in Hiligaynon. I called it KAKUNYAG–meaning, thrills.”
Naging masalimuot ang proseso ng pagbuo ng Kakunyag para kay Nery, matapos na mag-migrate sa California bilang nurse, hindi pa rin niya binitawan ang mga tula nito, araw-araw na binasa, ninamnam ang bawat salita hanggang sa dumating siya sa punto ng pagsasalin. Isinalin niya ang mga tula nito mula sa Hiligaynon pa-Ingles sa pag-asang maabot niya ang mas malawak na mambabasa, iyong hindi lamang mga nakaiintindi ng wikang Hiligaynon kung hindi pati na rin ang mga may interes sa panitikang Hiligaynon at sa pagsulat ng erotika. Kaya nitong taong 2010 ay nailabas niya ang unang libro na naging available sa Kindle, ang 100 Erotic Sonnets from the Hiligaynon na para sa kaniya ay parang bagong mga tula talaga.
Narito ang isa sa mga paborito kong tula mula sa koleksiyon ni Nery:
Soneto Erotico #69
Nalipat sila sa imo sang ila ginsiling nga ang gugma
Sang mga tigulang daw sa igi nga nagakamang
Tungod bisan linghod ka pa, pinalangga, masupog ka
Magkamang sa akon lawas, magkapyot sa akon dughan.
Paano ko itikwang ang habal nga paho nga nagapalapit
Sa nagaedad nga ginamos? Ang imo pagpaangga
Kasubong aslum sang bagnas nga paho nga ginapakalabi
Sang sinamak labaw sa katam-is sang luto nga bunga.
Kon ang igi may gabi kag gata, luyag ko ikaw, palangga,
Ang hilaw nga paho nga ginpakamang sa akon ginamos;
Kon magbag-idanay kita, madamilan ko ang akon kaaslum.
Indi gid ako mangindi sa gugma sang habal nga paho
Nga daw sa igi nga nagakamang sa akon, nga bisan anhon
Sang tikwang, makapyot gid sa ginamos nga nabulanan.
Stories in a Mellifluous Language
Para sa akin ang librong ito ang pinakamakabuluhang ambag ni Nery sa panitikang Hiligaynon simula nang matutuhan niyang angkinin at mahalin ang wika ng kanyang isip at dila. Sa koleksiyon ng mga kuwento sa librong ito natuto si Nery at halos dito niya rin nadanas ang mga bagay na puwedeng madanas ng isang manunulat. Nakilala na siya dahil sa mga kuwentong ito, hinangaan, pinagkatiwalaan. Maliban sa dalang tagumpay ng mga ito sa buhay ni Nery bilang manunulat, iginigiit rin ng mga kuwento sa koleksiyong ito ang ilang adbokasiya ng mismong manunulat. Nariyan halimbawa ang pangangailangang pagtuunan ng pansin at pag-aaral ang pag-unawa natin sa konsepto ng pagiging lokal ng kuwento o ang tuon ay ang pangkatutubong-kulay, malalim ang pag-unawa ni Nery sa usaping ito na sinasalamin naman ng halos lahat ng kuwento niya sa koleksiyon. Ginamit niya nang maayos at makatotohanan ang mga lugar ng Guimaras, Iloilo, at maging ang pinanggalingan niyang bayan ng Dumanggas sa pagbuo ng kuwento. Ang isa pang nakabibilib sa koleksiyong ito ay ang gamit ng wika ni Nery, pampanitikan, hindi lamang niya nagagamit ang wika para magkuwento, nagagamit rin niya ito upang magtama at magturo tungkol sa usapin ng gramatika sa wikang Hiligaynon. Naipadadanas sa atin ni Nery bilang mga mambabasang Ilonggo ang katapatan ng manunulat sa wikang ginagamit nito.
Tingnan na lamang ang pagkakabuo sa pangungusap na ito—
Ang TV Show ni Kris Aquino
Nagapugati ang maputi kag mahinlu nga mga batiis ni Kris Aquino nga daw may mga mata nga nagalingling sa slit sang iya pink nga gown sa bayhon sang daw ginpabansuli nga malapsi ngatapulanga nga gintahi pa sang iya naandan kag paborito nga fashion designer nga si Rajo Laurel samtang sia nagaiwad-iwad kag makagalanyat nga nagapanaug sa nagaigpat-igpat nga hagdanan sang “Mas Matam-is Pa Sang Sa Kabuhi,” ang pinakadaku kag pinakabongga nga reality TV show sa kabug-usan nga setenta’y uno anos nga kasaysayan sang telebisyon sa Pilipinas nga nagsugod pa sadtong 1953.
Panahon na para maging realistiko ang mga adbokasiya ni Nery, at sa pagsisimula nito sa mga ganitong klaseng proyekto, tulad halimbawa ang paglilimbag ng mga tula at kuwento na nasa wikang Hiligaynon, hindi maglalaon ay mabubuo natin ang gina-imagine pa lamang nating panitikang Hiligaynon sa mga sandaling ito. Makabubuo tayo ng Hiligaynon reading community na siyang rason kung bakit naman talaga nagpapatuloy at dapat na magpatuloy ang isang panitikan.
Tayming ang paglabas ng mga koleksiyong ito ni Nery. Ang totoo kasi niyan ay matagal na itong hinihintay ng mga tagahanga niya. At sa tingin ko, panahon na rin naman para pakawalan ng manunulat ang kaniyang mga tula at kuwento sa koleksiyon upang tanggapin ang isang mas malaking hamon na inihahain ng pagiging Peter Solis Nery sa panitikang Hiligaynon, ang ibalik ang sarili sa ugat ng kaniyang panulat sa pamamagitan ng tapat na paglilinggod sa wikang Hiligaynon na siya naman talagang lakas nito bilang manunulat, sa pamamagitan nito higit niyang maitataas ang kalidad di lamang ng kuwento sa Hiligaynon kundi ang paraan ng pagkukuwento nito na siyang susi para pasukin ang kontemporaneong panahon na higit na nagangailangan ng kaniyang mga kuwento at tula.
© Noel G. de Leon & Kalatas: September 29, 2013