Everyone is a critic. Kung mayroon mang bagong itinatanghal ang “Dabadaba” ni Peter Solis Nery, ito marahil ang pagsabay sa pag-usbong ng mga very short short film na madalas nating makita at tangkilikin sa internet. Pagpapatuloy lamang ang ginagawang ito ni Nery, isang mabigat na pagpapatuloy at mahirap higitan kung pag-uusapan ang talento at kasiningan.
Sabi nga ni Victor Ebert (film critique), “No great film is ‘depressing’. All bad films are.” At sa tingin ko, hindi kasama ang pelikulang ito ni Nery sa mga tinutukoy ni Ebert na bad films. Wala naman kasi talagang rules ang film. Tandaan lamang na isang malaking “no, no” sa paggawa ng pelikula ang ipamukha sa atin ang mga bagay na alam na natin noon pa man.
Ang muling pagpapadanas sa atin ni Nery ng isyu pangkabadingan ay di pa rin nalalayo sa mababaw na pagtingin natin sa buhay ng mga bading (di lamang sa Filipinas). Isang malaking hamon ang pelikulang ito sa umuusbong na Regional filmmaking sa Iloilo, na patuloy tayong bumuo ng isang eksperimento, at patuloy na tuklasin ang pinakamaganda sa pinakasimple. Nakapa na nga siguro ni Nery ang sinasabi kong pinakamaganda sa pinakasimple, at nagamit naman niya ito ng may kabuluhan at sensibilidad sa pelikulang ito.
© Noel de Leon& Panay News Sunday: October 31, 2010